(Published sa school-pub nung college pa 'ko.)
Walang
duda. Tao na ang pinakamatalinong hayop na nabubuhay sa mundo, at mananatili
itong katotohanan hangga’t wala pa akong nakikitang dalmatian na pumupunta kay Dr. Vicky Belo para
magpatanggal ng dark spots,
o bull frog para magpa-derma. Pero hindi ako
sigurado kung anong uri ng palaka o butete yung batang singer na nagpa-botox ayon sa balita noong mga nakaraang
buwan.
Sabi ni Aristotle, tao lang ang entity na alam na tao siya. At dahil nga rito,
tao nga lang din ang entity na may kakayahang pandirihan ang
sarili niya. Salamat na lang talaga kay Dr. Vicky Belo, Dr. Pie Calayan, at sa Adobe Photoshop dahil mula sa buhok, sa kilay, sa
ilong, sa labi, pisngi, sa panga, sa ngipin, sa kili-kili, sa balikat, sa
dibdib, sa tiyan, sa kuwan, sa hita, sa binti, sa paa, at sa kulay ng balat,
kayang-kaya na itong i-molde ng tao, o palitan sa kung ano’ng gusto niyang
porma.
Hindi na ako magugulat kung isang beses may magtatayo ng
isang anatomical shop kung saan pwede kang bumili at
magbenta ng kahit anong parte ng katawan na gusto mo.
Talagang takot na takot sa pangit ang tao. Sino ba kasing
nakadiskubre ng lecheng salamin na ‘yan?
Nagsimula ang lahat nang mauso ang Friendster. Bukod sa social networking function nito, kaya ka nitong pasikatin.
Paramihan ng friends, ng testi (na pinalitan ng comment dahil daw sa batos nitong konotasyon
ex: ‘pare nakita mo testi ko?’), ng pictures kasama ng artista, chiks, ng pictures
na naka-yosi, o nakahawak ng bote ng beer. A basta, nagpapasikat na pose. Magugulat ka na lang sa
mga may Facebook account sa murang edad na pito. Ang primary
picture nila ay pose ala-Katy Perry.
Dahil
sa mga social networking site na ito, naging abot-kamay ang
pagpapaka-model. Lahat ng tao ay marunong pumose (lalo na ang Korean peace sign sa mata). Burado na ang konsepto ng stolen shots. Bigla na lang
naging camera conscious ang sangkatauhan.
Madali
na lang sumikat. Basta marami kang friends sa Facebook,
mas maraming tao ang makakakita sa ganda mo. Pero may mga
tao naman na namimili lang ng pasisikatan, at nagpa-private ng mga retrato.
Samakatuwid, kontrolado na ng tao ang magiging hitsura
niya. Kontrolado na rin ng tao kung pa’no ito ipangalandakan sa mundo. Instant artista. Instant
cult-following.
At
dahil napakadali na lang mag-mukhang celebrity,
karamihan ng tao ay napipilitan na ring mag-buhay celebrity, at tuluyan na talagang magmala-celebrity mula katawan hanggang kaluluwa. At
lahat ay gusto nang sumali sa mga game
show tulad ng Talentadong Pinoy, Showtime, Diz iz It, at syempre ng Pinoy Big Brother, ang
teleserye ng tunay na buhay.
Hindi ba, nakakatuwa ang mundo natin? Ang ordinaryong tao gustong maging artista. Ang artista, gustong
maging pulitiko. Ang pulitiko, gustong maging artista. Wala na yatang gustong
maging ordinaryong tao—mahusay na magsasaka, mangingisda, guro, o magulang.
Pero
malay natin, kaya gustung-gustong mapansin ng maraming tao—mapa-masa o hindi
(na karaniwan nga ay nasa Showtime)—ay
dahil wala naman talagang pumapansin sa kanila. O baka naman maraming Pilipino
ang gustong magpapansin dahil ayaw talaga silang pansinin kahit ng mga kapwa
nila Pinoy, dahil mas gusto nilang manalo sa American
Idol kaysa maging National Artist, o dahil mas
nakaka-starstruck si Katy
Perry kaysa kay Angelica Panginiban. Kaya papansin
ang grammar ng mga Jejemon dahil walang pumapansin
sa kanila kapag tamang grammar ang ginagamit nila. Baka kaya dapat natin
ipangalandakan sa mundo na Pilipino tayo at magaling tayo dahil walang
pumapansin sa atin, kahit tayo-tayo mismo. O dahil insecure tayo? O baka ako lang, kasi mas gwapo
ka sa’kin at inggit ako sa’yo.