Ginagago na lang gobyerno ang publiko sa
patuloy na pakikisawsaw ng pribadong sektor sa mga pampublikong serbisyo sa
pamamagitan ng PPP (Public-Private Partnership). Okay, “partnership” nga naman.
Ibig sabihin, dapat may benepisyo ang bawat isa sa pakikipag-“partner” na ito
para patas.
Sa iskemang PPP, kikita ang mga mapapalad
na negosyanteng (hindi natin alam na baka kamag-anak, dummy, o baka mga opisyal
mismo) mapipili para sa isang proyekto ng gobyerno. Ibig sabihin, sa isang
proyekto, may bahaging gagastusan ng isang kompanya at may bahaging gagastusan
ng gobyerno.
Ang mga bagay na ginagastos ng pribadong
sektor, babawiin sa publiko. Pero
ang subsidiya ng gobyerno, hindi masisingil sa tao dahil nga trabaho naman
talaga ng gobyernong pagsilbihan ang bayan na siyang nagtatag sa kanya.
Sa paraang ito, makakatipid na raw ang
gobyerno, makakakuha pa ng de-kalidad na serbisyo ang publiko.
Pero tang ina naman di ba, unang-una, bakit
kailangan tipirin ang pampublikong serbisyo? Ganoon na ba kasaid ang budget?
Kung hindi ako nagkakamali, trilyon-trilyon ang inaaprubahang pambansang budget
taon-taon.
Isa pa, sa dami ng tao sa Pilipinas, sa
laki ng bilang ng mga manggagawang nagtitiis sa bulok na pampublikong
transportasyon, nanganganib sa di masugpo-sugpong krimen, at nagtitiyaga sa sa
supot na kita pero nagbabayad ng sandamukal na buwis, ano pa ang kulang sa pera?
Hindi ko alam kung “primitibo” na
maituturing—dahil baka banatan, bansagang hindi akma sa “trends” sa ibang mga
bansa, tulad ng sabi ni Congressman Castelo—ang sistemang
buwis-gobyerno-serbisyo para sa taumbayan.
“Less is more” ika nga, dahil habang lalong
nagiging sopistikado ang sistema ng pagbibigay serbisyo sa bayan, lalong
dumadami ang mga paraan ng mga taong sangkot sa pagba-budget at paggastos sa
pondo ng bayan para makapagnakaw.
Sa katwiran na mas gaganda ang serbisyo
kapag nakisawsaw na ang pribadong sektor—tulad ng katwiran ni DOTC Sec. Jun
Abaya sa kaso ng MRT—anak ng fuck naman, putsa, responsibilidad ng gobyernong
magbigay ng de-kalidad na serbisyo sa bayan dahil bayan ang nagtatag sa kanya.
Dapat lang maipaalala sa tao na may
karapatan silang pakyuhin pabalik—ika nga ni Angelo Suarez—ang gobyernong
dambuhalang pakyu dahil ang gobyerno ay ginawa para pagsilbihan ang taumbayan
at hindi ang mga negosyante.
Ngayon, paano tayo lalong ginagago sa PPP?
Isiping maigi: Si PNoy, ang nakaupong
Pangulo ng Republika ng Pilipinas—para patas, kahit ang mga nakalipas na
pangulo rin naman—bukod sa pagiging presidente, tiyak ay negosyante. Hindi man, lintek
naman ang mga kamag-anak ni Aquino, di ba?
Si Binay, ang kasalukuyang Bise-Presidente
ng Republika ng Pilipinas, isama mo na ang kanyang anak na senador,
congresswoman, mayor, at ang misis na dati ring mayor, may “lehitimong negosyo”
sa isang farm sa Batangas.
Sa mga mambabatas sa Senado at Kamara, sa
mga gobernador, mayor, konsehal, sige idamay na natin ang mga barangay
chairman, tulad ng barangay chairman sa amin sa Cainta na may sariling tindahan
at commercial space na pinauupahan, ilan sa kanila ang may lehitimong negosyo?
Ilan sa kanila ang maraming lehitimong negosyo?
At sa taumbayang dapat pinagsisilbihan
nito, sa masa, ang sektor ng mga manggagawa na tunay na nagpapagalaw sa
ekonimiya ng bansa—ang tunay na “boss” at di ang mga negosyante—ilan lang sa
kanila ang may lehitimong negosyo?
Well, puwede nilang i-quote si Manny Villar
at sabihing “sipag at tiyaga” lang para magkalehitimong negosyo ang isang
manggagawa. Ito rin ang haka ko ay sasabihin ng mga nasa upper middle class na
masaya na sa kinikita nila at wala nang paki sa iba.
Pero leche naman, sino ba ang mas masipag pa sa isang contractual na sa manggagawa sa isang water treatment facility na
rumaraket ding construction worker, welder, etc., at nagtitiyaga sa suweldong
alikabok lang sa kinikita ng mga pinagsisilbihan niyang may gana pang magalit?
Kung sipag at tiyaga lang ang gagawing
batayan, mayaman na dapat ang karamihan ng mga Pinoy, kahit anong bisyo pa
meron ito (sige, ilang opisyal ang makikita mo sa mga casino).
E bakit nga ba hindi sapat ang sipag at
tiyaga para umasenso sa kapitalistang Pilipinas? Simple, kailangan ng
naghaharing uri ng pinaghahariang uri. Hindi puwedeng yumaman ang lahat. Kaya
naglalagay sila ng linya, sa pamamagitan ng mga opisyal ng gobyerno na nagiging
kinatawan ng malalaking negosyante para gumawa ng mga polisiyang tulad ng PPP
na sila rin ang makikinabang, na nagsasabing: “hanggang dito ka lang puwedeng
yumaman.”
Kaya tulad ng sinasabi, ang mayayaman,
lalong yumayaman at ang mahihirap, bagaman at may umaasenso, yumayaman minsa,
ay patuloy na alipin ng naghaharing uring binubuo ng mga negosyante’t
korporasyon at mga politikong utak-negosyo.
Nakakalungkot—hindi—nakakainis at nakakapanindig-middle
finger ang kabobohang ito.
No comments:
Post a Comment